Thursday, September 9, 2010

Bao ng Pagbabago


BAO NG PAGBABAGO
ni: Wilbert C. Laforteza
Ang May-akda: Sir Wilbert Laforteza

Ang pagmamahal, pagmamalasakit at sakripisyo ng isang magulang ay isang habang-buhay na utang – na – loob sakanya ng kanyang anak. Nararapat lang na suklian ito ng anak  anak ng mabubuting asal at matiyagang pag-aaruga sa  pagdatal ng panahon na sila naman ang magangailangan ng kalinga. Ngunit ang gawaing ito bilang isang pagtanaw ng utang – na – loob ay nagagawa nating lahat? Tunghayan natin ang kwento ng pamilyang Castillo ng Baryo San Vicente.
Isang umaga ng Biyernes, ika – 17 ng Pebrero 2004, habang nag – nagaalmusal ang pamilyang Castillo, nabigla si Mario ng sabihan siya ng kanyang amang si Mang Lando.
“Mario, magmula ngayon…binabalaan kita, huwag na huwag mo nang hanapin ang iyong Lolo Esteba…” ang sabi sakanya.
“Bakit po Itay?” ang mayuming tanong ni Mario.
“Huwag ka nang magtanong at wala kanga lam, okey?!” ang malakas na sagot ni Mang Lando.
 Nagmula noong umagang iyon ay hindi na muling nakita ni Mario si Lolo Esteban sa kanilang bahay.
Anim na taong –gulang pa lamang si Mario noon ngunit napapansin na niya ang unti – unting pagbabago ng kanyang ama. Naging malamig ang pakiramdam nito kay Lolo Esteban at laging binubulyawan ang matanda. Naglalaro tuloy sa murang isipan ni Mario ang tanong na kung ano ang dahilan at bakit ganun na lamang ang pakikitungo ng kanyang ama sa Lolo Esteban niya.
Dalawang buwan ang nakalipas, Abril na noon at bakasyon na ay hindi parin nakakabalik si Lolo Esteban sa kanila. Sabik na sabik na siya sakanyang lolo at malungkot parati dahil wala na siyang makasama tuwing gusto nitong makipaglaro ng patintero at pingpong sa kapitbahay nilang sina Jojo at Janno. Wala narin siyang taga – kwento ng mga samu’t saring mga alamat at kwentong – bayan, taga – turo ng tula at mga katutubong mga wait. Nasasabik narin si Mario sa mga yapos ng lolo sa tuwing pinapatulog ito sa mga gabing wala ang kanyang amang si Mang Lando at ang kanyang inang si Aling Celia.
Sa tuwing bago matulog si Mario, di siya nakakalimot na magdasal at ito ay turo sakanya ni Lolo Esteban.
“Lord, salamat sa biyayang ipinagkaloob po Ninyo. Lord, sana po makita ko na po si Lolo Esteban…lagi po Ninyo siya alagaan ha? Nawa’y huwag po Ninyo siya payagang magkasakit….Amen.” ang madalas na bulong ni Mario tuwing nagdadasal.
Buwan na ng Mayo ay wala parin si Lolo Esteban kaya malungkot parin si Mario at tila naiinip na. Sa susunod na buwn ay Grade – I na siya ngunit baka hindi at masilayan ng kanyang lolo ang unang araw sa  kanyang pagpasok sa  eskwelahan.
Isang araw, huling Sabado noon ng Mayo, ipinasyal si Mario ng kanyang pinsang si Ate Teresa. Doon sila namasyal sa parke malapit lamang sa paaralan ng San Vicente Elementary School. Tamang – tama at nagkaroon din ng pagkakataon si Mario upang masulyapan ang eskwelahan na kanyang papasukan sa sussunod na pasukan.
“Ate, maganda po ba yung school namin?” tanong ni Mario?
“Oo naman, bukod sa maganda ay high –tech pa…maraming computerized systems doon.” tugon naman ni Ate Teresa.
Maya –maya ay umupo ang dakawa sa isang bench sa parke.
“Ate, saan po kaya si Lolo Esteban?” tanong ni Mario.
“Ah, bakit mo ba tinatanong? Meron bang problema?” ang tanong naman ni Ate Teresa.
“Kse po si Itay, binabawalan po ako magpakita kay lolo tapos wala na po si lolo sa bahay…” ang sagot ni Mario na tila naguguluhan.
“Mario, wag kang mag-alala, tiyak okey lang ang Lolo Esteban mo.”, paliwanag ni Ate Teresa.
Napatango na lamang si Mario kahit di pa kuntento sa sagot ng pinsan.
Dumating ang ika – 7 ng Hunyo, unang pasok ni Mario noon sa San Vicente Elementary School. Si Aling Celia ang naghatid sakanya noon. Nagkatotoo nga na hindi nga masisilayan ni Lolo Esteban  ang unang araw sa pagpasok sa eskwelahan ni Mario...
“Anak, pakabait ka diyan ha, ditto na lamang ako sa lalabas at susunduin na lang kita maya – maya pag magsiuwian na kayo”, bilin ni Aling Celia.
“Opo Inay”, ang tugon ni Mario hakbang pahakbang ito sa hagdan paakyat sa koridor ng school.
Makalipas ang ilang buwan, dati si Aling Celia pa ang tagahatid ngunit ngayon ay napalitan na ng yaya…si Yaya Wenda. Mabait at maalagain si Yaya Wenda kaya madaling nagka-bonding sila ni Mario. Siya na ang tagahatid-sundo ni Mario sa halos araw-araw mula ng namasukan siya kina Aling Celia.
Ika-17 ng Disyembre 2004 noon, isang surpresang balita ang nasambit ni Yaya Wenda kay Mario.
“Mario, Alam ko na kung saan si Lolo Esteban. Huwag mong isumbong na sinabi ko sa iyo ha? Baka malintikan tayo ng iyong Inay at Itay…” pakiusap ni Yaya Wenda.
‘Eh saan po?” tanong ni Mario?
“Sa bahay kubo sa bukid, Aplaya.” sagot ni Yaya Wenda.
“Basta gawa ako ng paraan, huwag ka lang magsasabi sa iyong Inay at Itay ha? baka kse mabuko tayo.”, pahabol ni Yaya Wenda.
“Kinabukasan ay araw ng Sabado, umaga, ipinagpaalam ni Yaya Wenda si Mario para ipamasyal lang muna sa Bayan.
“Ate Celia, nagyayakag po kse si Mario…gusto daw po mamasyal sa Bayan, maari po bang pahintulutan ninyo?” pakiusap ni Yaya Wenda kay Aling Celia.
“Oh sige, naiinip narin ang batang yan at walang kalaro eh. Tawagin ninyo muna si Crispin para samahan kayo, gamitin niyo yung isang kotse.” ang tugon naman ni Aling Celia sabay abot ng tatlong libung piso para baon nila Mario.
Maya – maya’y dumating na si Crispin at inihanda na ang Ford. Pagkalabas sa garahe’y sumakay narin sina Yaya Wenda at Mario. Alam na ni Crispin ang pakay nila pagkat nag- usap na sina Crispin at Yaya Wenda noong nakaraan gabi sa balak nilang gawin.
“Kuya Crispin, yung usapan natin ha…walang magsusumbong, period!” sabi ni Wenda.
“Okey, okey, gets na gets ko na iyon.” sagot naman nito na may kasama pang flying kiss.
“Hmmmp, yucks!” ang tila nadidiring sabi ni Yaya Wenda.
Tara na nga, suplada!” wika ni Crispin.
Chug! Chug! Chug! Vroooom! Vrooom…brooooom…
Umalis na ang kotse at deretsong tinahak ang kalsada patungung bukid ng Aplaya imbes na patungong Bayan. Hindi mapakali si Mario at tila hindi makaghintay upang makarating sa kanilang paroroonan.
Halos apatnapung minuto siguro lang nakalipas at narating na nila ang bahay kubo ni Lolo Esteban sa Aplaya. Isang matanda agn sumalubong sa kanila, siya na si Lolo Esteban, ang 78 taon – gulang na lolo ni Mario. Kaarawan din niya sa mismong araw na iyon ng Disyembre 18, ang ika-78 taong gulang ni LoloEsteban.
Mabilis na bumaba sa Ford si Mario pagkatigil ng sasakyan at mabilis itong nagtatakbo pasalubong sa kanyang lolo.
“Lolo! Lolo! Huhuhu…” napaiyak sa galak si Mario.
Isang mahigpit na yakap naman ang sumalubong kay Mario…yakap ng lolong sabik na sakanyang apo sabay nagsalita:
“Kumusta kana Mario? Tumangkad kana ah…akala ko’y din a kita muling makita…”
Bumaba narin mula sa kotse sina Crispin at Yaya Wenda, dala – dala ang naka – kahong pasalubong kay Lolo Esteban at ang kanilang mumunting mga regalo para sakanyang kaarawan tapos nagmano na ang ito sabay bati ng:
“Maligayang Kaarawan po Lolo Esteban…Maligayang Pasko po!”
Pinatuloy ni Lolo Esteban ang tatlo sa kanyang kubo at doon narin sila nagkwentuhan. Di makapaniwala si Mario na magkikita pala sila ng kanyang lolo sa araw na ito dahil ang buong akala’y ipasyal ito sa Bayan.
“Lolo, bakit po ayaw ng Itay na tumira po kayo sa bahay?” tanong ni Mario sa lolo habang kandong niya ito.
“Naku apo ko, mahabang istorya yan…pero galit lang ang iyong Itay…” sagot ng matanda.
“Bakit naman po kaya galit?” usisa ng bata.
“Kse ako ang sinisisi ng iyong Itay kung bakit namatay ang iyong lola sa aksidente at kung bakit ko daw siya hindi  natulungan upang makapasok noon sa isang sikat na eskwelahan at sinisisi niya ako dahil napapahiya lang daw siya dahil isa akong magsasaka. Ngunit ang pinakamabigat sa lahat ay noong ayaw kong sumang – ayon sa gusto niya na ipagbili ang mga lupain natin at ang katwiran niya ay mas magaling na daw ang salapi na alagaan kaysa lupang nakatiwangwang at naging walang silbi kaya… nagalit siya. Mula noon ay parang nawala na ang respeto sa akin ng iyong ama. Katwiran din niya ay hampas lupa lang daw ako at mangmang kaya itinakwil na ako dahil dagdag pasanin na lamang daw ako sakanya…ultimo nga ang iyong inay ay puros masasakit na ang mga inuusal sa akin. Kita mo naman noon magkasama pa tayo sa bahay, sa tuwing tayo’y kumakain tayo ay hindi ako isinasabay at kita mo naman ang mga pinagagamit sakin ay mga baong plato’t kutsara at ang basong gawa sa kaputol ng kawayan. Sa tuwing matutulog na tayo noon ay doon ako naglalatag ng karton sa kusina dahil ayaw akong patulugin sa kwart o o kahit maging sa salas lamang…” ang mahabang kwento ni Lolo Esteban kay Mario.
Masama man ang loob ng matanda sa kanyang anak na tila nakalimot na sakanya ay wala naman siyang magawa kundi tanggapin na lamang ang katotohanan.
Habang nakukwento si Lolo Esteban, nahabag siya sa kanyang lolo. Maluha – luha ang mga mata nito habang nagkukwento. Doon na lamang naliwanagan si Mario kung bakit ayaw ng Itay niya kapiling ang sariling ama.
Si Mang Lando, isa na ngayong matagumpay na negosyante ay tila nadidiri na sa kanyang sariling ama. Ikinahihiya niya ito na siyang nagging puno’t dulo ng pagmamaltrato kay Lolo Esteban.
Si Lolo Esteban ay sunod-sunuran na lamang sa mga pasya ni Mang Lando sapagkat wala na itong kakayahan upang pigilan ito. Ipinapasa – Diyos na lamang ng matanda na nawa’y dumating pa din ang araw na magbago ito.
Panay tiis na lamang ang magawa ni Lolo Esteban, ngayon ay matanda na siya ay saka pa niya mararanasan ang hagupit ng kanyang anak. Ang anak hindi marunong tumanaw ng utang na loob sa magulang na siyang pinag – utangan ng buhay.
Naulit pa ang palihim na pagbisita nila Mario sa bukid kay Lolo Esteban. Noong pangalawang pagbisita nila ay noon lamang niya napansin na ang tanging mga kasangkapan na gamit sa kubo ay kukonti lamang. Ang mga plato, kutsara at sandok ay gawa sa bao. Ang tasa ay kaputol na kawayan…malayong – malayo sa mga gamit nila Mario na puro gawa sa pilak, mga porselana at mamahaling bubo ang mga plato, kubyertos at mga tinidor pati mga tasa. Nag – iisa lamang ang kumot ni Lolo Esteban at puro sulsi narin ito. Napansin din ni Mario na konti narin ang maayus – ayos na kasuotan at konti narin ang laman ng lata ng Rebisco na imbakan ng bigas. Pagtingin ni Mario sa tungko ay nakita niyang na mangilan – ngilan na lamang ang palito ng posporo at paubos narin ang inipong sinibak na Mangga na paggatong.
Mabuti na lamang at nariyan si Mang Tacio na karatig lamang ni Lolo Esteban sa Aplaya na siyang nagsisilbing katuwang at taga–tingin ni Lolo Esteban sa tuwing siya ay nag – iigib, mangangahoy, magtabas sa bakuran, maglaba  at kung anu – ano pa. Dahil sa awa at pagmamalasakit sa matanda dahil medyo mahina na ito ay madalas dinadalhan ni Mang Tacio ng ulam at minsa’y bigas para pandagdag sa rasyon ni Lolo Esteban.
Patapos na ang buwan g Disyembre noon at malamig ag panahon. Naalala ni Mario ang kayang lolo sa bukid baka siya ay giniginaw. Kumuha si Mario ng gunting at hinati ang kanyang imported na lanang kumot na kulay itim.
“Ang kalahati ay para kay lolo at ang isa pang kalahati ay maiwan nalang sa akin.” ang bulong ni Mario habang ginugupit ang kumot para mahati ito.
Lingid sa kaalaman ni Mario ay ipinamili pala ni Yaya Wenda ng mga gamit sa kusina at mga pagkain ang kalahati ng kanyang sahod para kay Lolo Esteban.
Ika-31 ng Biyernes, Disyembre, wala ang Inay at Itay ni Mario dahil lumuwas ang mga ito sa Maynila upang dumalo sa isang Christmas Party ng Makati Business Club. Dito nagkaroon muli ng pagkakataon makapuslit sina Yaya Wenda at Mario upang dalawin si Lolo Esteban. Nang patanghali na ng araw na iyon ay narrating din ng dalawa ang bahay kubo ni Lolo Esteban. Ibinigay nila sa matanda ang mga pinamili ni Yaya Wenda at ang kalahati ng kumot ni Mario. Ang aginaldong limandaang piso ni Mario galing sa Ninong Greg nito ay ibinigay din sa kanyang lolo.
“Lolo, sayo na po ang kalahati ng kumot ko ha…hati po tayo, tapos sa iyo na rin po ang aginaldo ko para meron po kayo pambili ng bigas.”, ang marahang salita ni Mario habang iniabot ang kalahating kumot na binalot sa lumang diyaryo na Manila Bulletin at ang pera na na sinupot ni Mario sa ice candy wrapper.
Makaaraang maibigay ang mga dala ay madaling nagpaalan ang dalawa baka sila’y mabuking sa bahay at bilin sa kanila ay huwag umalis ng bahay.
“Lolo, paalam na po…babalik din po ako ulit ha…” paalam ni Mario kasabay ang pagmano nito.
Sa halos tatlong buwan, ganun pa din ang ginagawa nila Yaya Wenda…sumasalisi kung meron pagkakataon para maipasyal si Mario sa Lolo Esteban.
Ngayon, malapit na ang katapusan ng pasukan, tuwing hapon pagkagaling sa eskwelahan ni Mario ay nag – iipon siya ng mga magagandang bao at kanya itong kanakayusan ng maiigi hanggang halos isang sako na ng baong pinakinis niya ang naipon. Nag – abala din gumawa ng mga kutsara at sandok na gawa sa bao si Mario. Sa tuwing tinatanong si Mario ng kanyang ina kung anhin ang bao ay: “Laruan ko lang po mga ito” ang sagot ni Mario.
Isang araw, surpresang pumasyal sa bukid si Mang Lando. Walang kamalay – malay si Lolo Esteban na dadating pala ang kanyang anak para magbisita.
Nang dumating si Mang Lando, hindi man lang ito nagmano sa ama o kaya’y nagdala man ng kung anu – anong pagkain man o mga gamit. Tanging nag – usisa na lamang ito kung bakit meron mga kutsara, tinidor, tasa, termo, plato at mga bagong damit sa kubo at gayunman ay wala man itong inutusan para magdala dito. Nang makita niya ang kalahati ng kumot ay agad uminit ang ulo nito. Kilala ni Mang Lando ang kumot.
“Ama! Bakit nandito ito?! Sinong nagdala nito dito? ang galit na tanong ni Mang Lando.
Hindi na umimik si Lolo Esteban dahil nag – aalala siya naka kung ano pa ang mangyari skanyang apo.
Ilang sandali lang ay dali –daling umalis si Mang Landon a galit –galit.
Pagdating sa bahay ay unang tinawagan ni Mang Lando si Yaya Wenda.
“Wenda! Wenda!” ang malakas na tawag nito mula sa tarangkahan pa lamang.
“Bakit meron mga gamit sa bahay sa bukid?!!! Sino ang nagdala ng imported na kumot doon?!! Ha!?” ang maiinit na pagtatanong ni Mang Lando.
“Eh kse po...eh...si Mario po kse…,” ang pautal – utal na sagot ni Yaya Wenda.
“Nasaan si Mario?” ang mabilis na pagtanong ulit ni Mang Lando.
“Nariyan po doon sa dampa, nagpapakinis po ata ng bao…” sagot ni Yaya Wenda na tila takot.
Mabilis na naglakad patungo sa dampa si Mang Lando kung saan naroon si Mario na nagpapakinis ng bao. Pagdating sa dampa ay tumambad sa paningin ni Mang Lando ang halos dalawang sakong puno ng mga bao at marami pang nakakalat. May mga bao na hugis kutsara, sandok at pabilog na itsurang plato rin!
“Ang dami mong laruan sa loob! Anhin mo ba itong mga basura dito?! ha?! Itapon mo nga mga ito o sisilaban ko!” ang sabi ng galit na si Mang Lando. “Sandamukal ang laruan mo sa loob...hindi mo na kailangan pang maglaro ng mga basura!”ang pagpapatuloy pa nito.
“Mario, bakit nariyan kay Lolo Esteban ang kumot mo???!!! At anhin mo yang sandamukal na bao?!” ang agad naman na pagtatanong nito.
“Itay, kailangan ko na po mag – ipon kse sabi sa amin ng titser sa eskwelahan ay mag – impok habang maaga pa para pagdating ng araw ay meron dudukutin. Kinakalusan ko ang mga baong ito para habang maaga pa po ay marami narin po ako maiimbak. Inihahanda ko na po mga ito para pagmatanda na po kayo ay mga ito na po ang inyong mga gagamitin…katulad po ni Lolo Esteban. Nag –iipon lang po ako para din na ko kayo mahirapan balang araw.” ang paliwanag ni Mario.
Biglang lumingon sa malayo si Mang Lando, tila parang may kung ano sumampal sa mukha nito. Kinurot ang kanyang puso ng konting paliwag ng kanyang supling. Hindi nasikmura ang pagkatakot at kaba sa sinabi at bahagyang di nakapagsalita agad. Matindi ang tama sakanya...
Naglakad – lakad ng bahagya at bigla na lamang napaluha ito…doon niya lamang napagtanto na pwede nga pala talagang mangyari sakanya ang anumang sinapit ni Lolo Esteban. Bigla siyang natakot na baka pagtanda niya baka siya ay tratuhin kagaya na lamang sa ginawa niya sa kanyang Ama. Noon lamang niya namalayan ang pagkukulang at ang maling asal niya sa magulang. Musmos pa si Mario at ang kanyang pagkakaunawa sa murang edad ay ang  kasangkapang-bao ay para sa matatanda.
Hindi na nagawang magalit ni Mang Land okay Mario. Hinayaan na lamang ito para ituloy ang ginagawa.
Kinabukasan, alas – singko pa lamang ng umaga ay umalis na si Mang Lando. Tumungo siya sa bukid para sunduin at iuuwi na sana si Lolo Esteban. Iniwaksi na niya ang hiya at nag – lakas loob na para humingi ng kapatawaran at mag – balik loob sa ama. Buo na ang loob para harapin ang hamon...
Pagdating sa bahay-kubo, tinawag agad ni Mang Lando si Lolo Esteban.
“Itay! Itay...gising na po kayo. Itay!” tawag ni Mang Lando.
Maraming beses pang tumawag si Mang Lando ngunit hindi tumutugon ang matanda. Naiinip na ito sa paghihintay para bumangon si Lolo Esteban kaya nagpasya na lamang itong pasukin sa loob. Ngunit sa sandaling lumapit siya kay Lolo Esteban, tila may biglang naramdaman ito…magkahalong kaba at takot! Nilapitan ang matanda para pukawin…nakakumot pa ang kalahating katawan ni Lolo Esteban ng kumot na ibinigay skanya ni Mario, malamig kse ng gabing iyon.
Pinukaw niya ang matanda subalit tila ayaw nitong kumibo. Kahit anong pagpupumilit ni Mang Lando para gisingin ay balewala lang. Maya – maya’y bigla na lamang pumalahaw si Mang Lando…Tila nagkatotoong bangungot na pala ito na hinding-hindi inaasahan Mang Lando!
“Itay…Itay…bakit? Huuhu! huhuhuuuuuu…pa-paaaapatawad po!!! Patawad po! Huli na po ako…bakit hindi po ninyo ako hinintay pa…? Huhuhu!”
Si Lolo Esteban ay pumanaw na pala! Kailanman ay hindi na muling mabuhay, tanging mga alaala na lamang ang natira o naiwanan sa mundong kanyang pinamuhayan sa mahabang panahon. Ngayon, gaano pa man ang pagsusumamo ni Mang Lando ay hindi na maibabalik pa ang mga nakaraan, huling-huli na ang lahat!
Anhin mo nga talaga ang malagong damo kung patay na  ang kabayo…pero mabuti nalang ang nangyari. Dahil sa kalagayan ni Lolo Esteban ay doon nagka-ideya si Mario na igawa ng mga gamit gawa sa bao para sa kanyang ama baling araw…at dahil sa mga baong iyo’y napukaw ang damdamin ni Mang Lando na siyang nag – udyok sakanya upang mapagnilayan ang kanyang mga kamalian at pagkukulang sa amang si Esteban. Dito rin nagkapuwang ang tadhana na lipulin ang marupok na damdamin ni Mang Lando at tarakan ng lagusan tungo sa pagbabago!

(PAUNAWA: Bagamat ito ay halaw sa isang katutubong kuwento, ang mga lugar, pangyayari, at mga tauhan na nabanggit sa kwento ay pawang mga kathang-isip lamang.)

1 comment: